November 22nd, 2009
Abala sa ibang bagay
Natutuwa ako para kay Mark Angeles na nagbebenta na ng kaniyang Patikim. Matagal na sanang nailabas ang libro niyang ito kung hindi lang nagkaproblema sa gustong mag-publish. After too much time contemplating, siya na mismo ang nag-publish ng kaniyang akda. Ngayon nga ay nagbebenta na siya, me kaakibat pang good cause.
Sa ngayon ay nawiwindang ako sa pag-aayos/pagbubuo ng manuskritong ipapakatay ipapabasa sa ilang miyembro ng Pinoypoets (pramis, nothing new grand sa manuskritong ito). Dagdag pa dito ang pustahan namin ni Xam na gumawa ng sampung bagong tula para sa taong ito. Ang matatalo ay manlilibre sa grupo. Gayong nakatutuwa na tapos ko ng bunuin ang sampung bagong tula na ito (yehey! yehey!), iilan lang ang maisasama kong mga tula sa binubuo kong koleksyon.
Hay hay sidhay. Napapalibutan na nga ako ng mga librong binabasa. Hindi ko na sila naibabalik sa kanilang maayos na pagkakasalansan. Parang Smokey Mountain ng mga libro ang kuwarto ko.
***
Noon sa lilim nito tayo madalas maglaro Lagi kang gumuguhit ng mga taong may malalapad na pakpak Hindi mga anghel Mga taong uwak
***
Ano ang pangalan ng pighati?
***
Ikinalulungkot kong sabihin na wala na, sinukuan na kita. Hindi mo man lang ako napapanaginipan.
Madalas mo man akong banggitin, subalit hungkag ang iyong inilalaan na kahulugan.
Unti-unti akong naglalandas palabas ng iyong kamalayan, hindi mo man lang namalayan.
Sapagkat inaakala mong napupuspos ang iyong labi ng kahiwagaan, hindi mo na pinangalanan akong nananalig sa iyo tuwina.


